Liham para sa Aking mga Anak

Mahal kong mga anak,

Mula sa malayo, aking nakikita ang inyong kalagayan kaya naisip kong sumulat ng isang bukas na liham para sa inyong lahat. Ako, na inyong ina ay labis na nalulumbay sa tuwing aking sinasariwa ang mga paghihirap ng inyong mga nakatatandang kapatid upang mabuo lamang ang ating pamilya na maka-tatlong beses na sinubukang wasakin ng iba.

Hindi kaila na sa mundong ating ginagalawan ang mga bagay o pangyayari ay walang katiyakan. Sa puntong ito, ang tangi ko lamang nais ay mabatid ninyong lahat ang nilalaman ng aking puso, nawa ay pagnilayan ninyo ng maigi ang liham kong ito.

Bago pa man kayo isilang sa mundo, ninais ko na magkaroon kayong magkakapatid ng maayos na samahan at relasyon. Kayong lahat, sama-sama, nagtutulungan hindi nag-gugulangan. Kung aking babalikan ang nakaraan, ang inyong mga nakatatandang kapatid ay naging napakabuti, maayos silang lumaki, bagamat payak lamang ang uri ng pamumuhay, ang bawat isa ay may tungkuling ginamapanan upang pag-unlad ay makamtam. Ako’y kanilang inalagaan at pinrotektahan sa paraang alam nila.

Subalit tulad ng aking sinabi sa bungad ng liham kong ito, pagbabago ay ‘di maiiwasan. Isang araw, ang payak na buhay ay unti-unting nabago. Nagbago ito ng pinahintulutan ng ilan sa inyong mga kapatid ang pagpasok ng ibang pamilya sa ating tahanan. Aking nakita ang unti-unting pagpanaw ng ilan sa inyong mga kapatid dahil sa kanilang pakikibaka upang ating nakasanayan ay mapreserba. Nang pagkakataong iyon, parang dinudurog ang aking puso habang sila’y aking pinagmamasadan, lubhang napakasakit para sa isang ina ang makitang nagdurusa ang kanyang mga anak ngunit wala akong magawa dahil sa aking mahigpit na pagkakagapos. Oo, ako’y iginapos ng napakahigpit, maraming beses kong pinilit makatakas ngunit ako’y hindi nagtagumpay. Habang ako’y nagdurusa at walang magawa, habang aking kabuuan ay patuloy na nilalapastangan ng ibang pamilya, kasabay nito ang aking panaghoy na balang araw, ang mga sanggol na aking inaruga ay silang magsasakatuparan ng buong pamilyang aking pinangarap.

Nang ako’y tuluyang makalaya, sa tulong din ng inyong mga kapatid, walang pagsidlan ang ligayang aking nadama. Nabuhayan ako ng loob, nakita ko ang magandang hinaharap para sa ating lahat.

Ngunit bakit ganoon? Pangarap na aking inasam, tila kailanman ay hindi na makakamtan. Ang ilan sa inyong mga kapatid ay nangamatay sa sarili nyong mga kamay, ang ilan ay piniling mangibang bayan upang kahirapang nararanasan ay malunasan, ngunit ang nakararami sa inyo ay nanatili sa aking poder, ang ilan ay naghahanap-buhay upang mabuhay ngunit ang ilan ay umaasang mabibigyan ng pagkain upang mabuhay.

Sa puntong ito, iisa lamang ang aking katanungan… ano ang nangyari sa inyo?

Bakit tila kayong magkakapatid ay hindi nagkakasundo? Anong nangyari sa dati ninyong samahan? Nasaan ang pagtutulungan? Nasaan na ang pagmamahalan? Bakit mas minabuti ninyo na maghiwalay at kanya-kanya? Anong nangyari? Ano?

Tulad ng maraming ina, ang nais ko lamang ay magkaroon kayo ng magandang buhay. Ang  makita ang bawat isa sa inyo na malayo na ang narating, ang makita kayong nagdadamayan, nagmamahalan, at nagtutulungan sa gitna man ng problema o kasiyahan. Isa akong ina na ang tanging dalangin ay ang makita ang aking mga anak na may magandang ugnayan sa bawat isa.

Ang inyong ina,

Pilipinas


2 responses to “Liham para sa Aking mga Anak

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: