Nung Bata Pa Ako

Nung bata pa ako may mga bagay na akala ko, normal lang para sa isang pobreng pamilya katulad ng sa amin. Lumaki akong may mga maiingay na kapit-bahay, may mga gusgusing kalaro, may kaibigang dumudumi lang sa gubat kasi wala silang CR na tinatawag, nag-patentero kami sa kalsada, nagtumba-lata kami, nagbuwan-buwanan, naglaro ng teks at goma, naghabulan sa malapad na bakanteng lote, gumawa ng bahay-bahayan at marami pang iba.

Oo, lahat ng ‘yan naranasan ko kaya itinuring kong hindi ako iba sa mga kapit-bahay namin dahil para sa akin, isang uri lang ng pamumuhay ang meron kami.

 

 

Nung bata pa ako, akala ko…

Normal lang na hinahatid, binabantayan at sinusundo ako ng kasambahay namin. Akala ko normal din na chocolate ice cream with colourful sprinklers ang  baon kp na hindi ko rin naman nauubos. Pero hindi pala normal para sa isang pobreng pamilya na inakala ko ang ganun, dahil nakita ko na yung ibang mga bata walang baon, yung iba naman nagtitiis sa konting pabaon ng nanay nila at ang ibang mga bata, mag-isang umuuwi kapag uwian na.

 

Nung bata pa ako, akala ko…

Normal lang na yung kasambahay namin ang nag-aattend ng kung anu-anong mga meeting sa school. Yun pala, hindi. Dahil nakita ko na yung ibang mga magulang, sila ang uma-attend sa mga meetings. Sa aming magkakapatid lang pala uso ang ganun dahil parehong nagtatrabaho ang nanay at tatay namin.

 

Nung bata pa ako, akala ko…

Normal lang na sinusubuan ako ng pagkain tuwing umaga kahit na grade 2 na ako. Akala ko, normal lang din na pinapaliguan pag umaga at pinupunasan pag hapon kahit na grade 4 na ako. Pero nung nakita ko na yung ibang bata limang taon pa lang marunong na maligo mag-isa, bigla akong nahiya sa sarili ko. Hindi pala normal yun, ginawa lang normal ng mga magulang namin sa aming paningin ang lahat ng yun.

 

Nung bata pa ako, akala ko…

Normal lang na palaging sugpo, pusit, lobster, alimango, alimasag at malalaking isda ang ulam namin, yung literal na araw-araw at masasawa ka na. Madalas din kaming mag-reklamong magkakapatid dahil dun. Pero nung nag-college ako, saka ko naisip na hindi pala lahat nakakain ng ganun hanggang sa sila na mismo ang masawang kumain.  Akala ko rin normal lang na namimigay kami ng mga isda sa mga kapit-bahay namin, tipong lahat ng malalapit sa amin nabibigyan. Lahat ng yan, akala ko normal lang.

 

Nung bata pa ako, akala ko…

Normal lang na may cellphone ako, nung panahon na ‘yon Nokia 3210 ang pinakasikat parang iPhone 4S ngayon. BOSCH ang cellphone ko noon, may kalakihan at meron ding antenna. Iilan lang kaming may cellphone sa klase; ako, yung guro namin at yung tatlo ko pang kaklase. Akala ko normal yun nung mga panahon na yun pero hindi pala.

 

 

Nung bata pa ako, akala ko…

Normal lang na pinapalo ako ng nanay ko, kasi pinapalo din yung iba kong mga kalaro. Pero minsan nung pinalo ako ng nanay ko, naalala ko yung Bantay Bata commercial na napanood ko. Kaya naman nung sumunod nya akong paluin, nakuha ko ng mag-banta, ang sabi ko, “Sige, kapag pinalo mo pa ako, isusumbong kita sa Bantay Bata 163”. Natakot naman ata ang nanay ko kaya hindi nya na ako pinalo. Talagang matatakot sya dahil may landline kami noon kaya kahit anong oras baka nga maisipan kong tumawag.  Haha.😀

Naranasan ko ang lahat ng iyan at marami pang iba na hindi naranasan ng ibang kasing edad ko na nakatira sa squatter area. Oo, squatter kami.

Itong mga ‘to ay ilan sa mga bagay na hindi ko natutunang pahalagahan. Ngayong malaki na ako, naisip ko na hindi naman pala kami pobre nung mga panahon na ‘yon. Kung tutuusin, maswerte na pala kaming magkakapatid dahil kahit papaano pala ay naging maganda ang buhay namin, dahil na rin sa pagsisikap ng nanay at tatay namin.

Ngayon, isang taon na naming hindi nararanasan ang ganyang uri ng pamumuhay. Masasabi kong isang payak na pamumuhay ang meron kami sa mga panahon na ‘to. Naranasan namin na magkulang ang budget dahil na din sa mahal na pagpapagmot sa tatay namin, naranasan naming mawala ang mga taong dating dumidikit sa amin at sa tatay namin nung panahon ng kalakasan pa nya. Hindi namin agad-agad natanggap ang sitwasyon, totoong nahirapan kaming lahat pero sa paglipas ng panahon natutunan namin ang mamuhay ng simple at makontento sa kung ano ang meron kami.

Naisip kong sariwain ang nakaraan naming buhay hindi para magyabang o maging malungkot kung hindi para lubusan kong maunawaan na sa buhay ko/naming buong pamilya maraming mga bagay ang magagandang nangyari. Ngayong humaharap kami sa isang malaking pagsubok, dahil sa pagbabaliktanaw kong ito, nagkaroon ako ng maraming dahilan para magpasalamat sa Panginoon. Dahil sa loob ng 21 taon, nagkaroon ako/kami ng magandang uri ng buhay.

 

Salamat po Panginoon!


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: